Inimbitahan sa presinto ang 3 pasahero ng barko sa Port of Cagayan de Oro makaraang makuhanan ng aabot sa P40 milyon, Lunes. Ayon kay Coast Guard spokesperson Commander Armand Balilo, nakasilid ang bulto-bultong pera sa 4 na selyadong kahon ng styropor. Iginiit naman ng 3 pasahero na mga empleyado sila ng bangko at nagprisenta ng mga kaukulang dokumento.
Sa kabila nito, isinailalim sila sa interogasyon dahil kwestyunable ang pagdadala nila ng napakalaking halaga ng pera.
Noong nakaraang linggo, 5 pasahero rin ang inaresto sa Cagayan de Oro Port din dahil sa paggamit ng pekeng ID.
Ipinaliwanag ng United Coconut Planters Bank (UCPB) na empleyado nila ang 3 pasahero at kasama sa kanilang normal na operasyon ang paglilipat ng malaking halaga ng pera mula sa isang cash center papunta sa iba pang cash center.
“UCPB is aware of the transfer, and it is part of its normal procedure to move excess cash from one cash center to another. The movement of the cash within the Bank’s cash centers is an internal procedure, and as such, it does not need prior approval from the Bangko Sentral ng Pilipinas,” paliwanag ng UCPB.
Nakipag-ugnayan na rin umano ang mga abogado ng bangko sa mga awtoridad para linawin ang pangyayari.